Divisoria, Maynila at Andres Bonifacio*

Andres Bonifacio at Divisoria, Maynila

Aling pag ibig pa ang hihigit kaya. Sa pagkadalisay at pagkadakila. Gaya ng pag ibig sa sariling lupa? Aling pag ibig pa? Wala na nga wala.” ~Andres Bonifacio (Nobyembre 30, 1863 – Mayo 10, 1897)

Divisoria, Ika-7 ng Abril 2012, Sabado de Gloria

Salamat po Poong Maykapal. Sa pangalawang pagkakataon ngayong taon, makalipas lamang ang dalawang buwan, muling nakapagbalik Pinas.

Masaya na ako sa itsura ng blog ko, nagmukha na ring blog sa wakas. Salamat kay Andrew Mamangun (trippingsbydrew.com). Ang nag-iisa kong kaibigang blogger sa kasalukyan hehe. Naway sa di kalaunan ay madagdagan naman. Maraming salamat sa walang humpay na pagtulong at tuloy tuloy na pagbibigay ng mga tips sa pagblog at ilang teknikal na aspeto. Ikaw ang dahilan kung bakit may blog ako at nakakapag blog sa ngayon. Salamat sa motibasyon at inspirasyon ;-).

Divisoria, Monumento ni Andres Bonifacio

Tunay na ang paglalakbay ay nakakapagpamulat ng kamalayan sa ating paligid. Bagaman malayo pa ang buwan ng Agosto para sa paggunita ng Linggo ng Wika o buwan ng Nobyembre para sa selebrasyon ng kanyang kaarawan. Si Andres Bonifacio ang dahilan kung bakit pinagsumikapan kong humabi ng paksa gamit ang wikang Filipino. Si Andres Bonifacio ang dahilan kung bakit “Divisoria, Maynila at Andres Bonifacio” ang pamagat ng aking paksa. Maraming beses na rin akong napagawi sa Divisoria. Maraming pagkakataon sa eskwelahan na itinuro ang buhay ni Andres Bonifacio. Pero hindi ko sigurado kung tulog ba ako sa klase. Dahil nitong huling gala ko, dun ko lang napag-alaman na si Andres Bonifacio pala ay isinilang sa Divisoria.

Park at Divisoria, Manila

At isa nga sa pinakatampok na dahilan kung bakit ito ay nasa wikang Filipino ay dahil si Andres Bonifacio ay nakakapagsalita at nakakaunawa lamang ng kaunting Ingles. Siya ay mas bihasa at gamay sa pagsasalita ng wikang Filipino at Espanyol. At dahil kaunting Espanyol lamang naman ang nauunawaan ko. Iniisip kong kung buhay lamang si Andres Bonifacio at hindi sinasadyang mabasa nya ito ngayon. Marahil siya ay matutuwa dahil nasulat ko ito sa lenggwahe na parehas naming nauunawaan. At hindi na kailangan pa ng google translation :-P.

Napukaw ang aking damdamin at naisipan kong gumawa ng paksa dahil sa quotes na nasa taas. Ito ay nakaukit sa kenotapya (cenotaph) sa bandang gilid ng monumento ni Andres Bonifacio sa Divisoria. Dahil dito’y nagbalik sa aking alaala ang mga maiinit na diskusyon at debate sa kolehiyo, kung sino daw ba talaga ang mas nararapat na pambansang bayani:- Si Andres Bonifacio o Jose Rizal ba? Hindi saklaw ng aking paksa kung sinuman ang nararapat sa kanila. Hayaan na lang natin na ang mga dalubhasa sa akademya ang magsumigasig sa ganitong diskurso.

Pero inaamin ko na bilib ako sa kakayayahan at katapangan ni Andres Bonifacio. Bagaman hindi sya nakapagtapos ng pormal na edukasyon, siya ay nagsumikap sa sariling sikap. Ilan nga sa mga libro na binasa nya (na kung saan ang ilan dito ay aking nabuklat, hindi nangagahulugang nabasa ng buong buo *_ 😉 ) ay ang nobela ni Victor Hugo na Les Miserables; at mismong mga nobela ng ating pambansang bayani Dr. Jose Rizal, ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo; bayograpiya ng mga Presidente ng Estados Unidos at libro tungkol sa French Revolution ay ilan lamang sa mga nagamit nyang batayan sa pagpapalawig ng kanyang kaalaman para sa pagtataguyod sa kalayaan ng ating mahal na bayan. Siya nga ang nanguna sa pagtatatag ng samahan ng “Kataastasang Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan” (Highest and Most Respected Society of the Children of the Country), sa maikling salita “Katipunan”.

Divisoria, Pamilihang Bayan ng Masa

Nagpapasalamat ako na lumaki akong hindi alam na nag-i-exist pala ang tinatawag sa mga damit na “signature” o yung may tatak. Mahal kung bibilhin dahil sa binabayaran doon ay yung tatak. Lumaki kasi kaming ang mga sinusuot namin halimbawa sa uniporme sa klase, mga damit tuwing Pasko at Bagong Taon ay tahi lamang ng aming mahal na ina. Naalala ko pang sa elementaarya tuwing sasapit ang Christmas Party na ayokong magkasabay kami ng mga kapatid ko dahil pare parehas kami ng suot as in terno terno! Ayokong isipin ng mga kaklase ko na wala akong originality! hahaha

Wala rin akong hilig sa pagsa-shopping pakiramdam ko masusunog ako pag nasa loob ng mall. Parang hindi ako makahinga. At tingin ko sa aking paligid ay para bagang lahat ay artipisyal. Kung pede nga lang sana na ang pag sa shopping ay parang bibili lang sa sa “sari sari store” na andyan na kagad yung kelangan mo at hindi na kailangang suyurin ang apat na sulok at buong palapag ng mall tapos hindi pa rin makita ang hinahanap. Hayyyy, nakakapagod! Hangga ngayon ay pinagasusumikapan ko pa rin to get used to it.

Pero sa totoo lang wala talaga akong tyaga sa pamimili. At ito ay alam ng aking mga kaibigan. At mga kapatid. Kaya pag lumalabas ako at may kailangang bilhin nagsusumamo ako sa mga kapatid ko na ako ay samahan.

Kaya nga nitong weekend ay humarurot kami sa Divisoria :-D.

Night Market, Divisoria, Manila

Tutuban, Divisoria, Manila

Maaring ang lugar na ito sa nakararami ay hindi tipikal na pasyalan o yung tipong hindi umaangkop na destinasyon para sa mga turista. Marahil sa iba ito ay pangkaraniwang pamilihan lamang. Sa ganitong panahon ng tag-araw ang mga ideyal na destinasyon ay maaring paglalakbay sa kabundukan o pagtatampisaw sa dalampasigan.

Tutuban Center Mall, Divisoria, Manila

Ngunit sa aking pananaw makalipas itong nagdaang Linggo, na sa isang iglap ay nandito na naman ako sa aking pangalawang tahanan. Ang Divisoria ay hindi na lamang pasyalan para makapamili ng mga murang kasuotan at kagamitan. Ito ay lugar din kung saan sagana sa yaman ng kasaysayan ng ating bansang Pilipinas. Pawang nagpapaalaala na kung minsan yung pinakamahalagang bagay ay makikita mo talaga sa pinaka-ordinaryong pagkakataon. Kailangan lamang na sadyang imulat ang ating mga mata upang makita ang nangungusap nating paligid.

*Note: This post is in Filipino

4 thoughts on “Divisoria, Maynila at Andres Bonifacio*

  1. I super duper love the photos! They’re so, like nice and other stuff! Like seriously! But like I didn’t get what your wrote. It’s so like native sounding. Like who still writes like that these days? Like seriously! You sound like my yaya! Like really you do! LOL! =)

    Haha JOKE! Nice entry. Hoping for more Tagalog posts from you. Patunayan mong mali ang sinabe nung batang Atenista na ang salitang Tagalog ay para sa mga muchacha lamang =)

    1. hahaha! okrayin ba ang one and only post kong Tagalog! =) well, neither does I understands what the your are spokes in English! hahaha baka makurot tayo neto ng mga English teacher natin! hihi

      Salamat! I so heart this post too! =)

  2. Habang nagbabasa ako, naalala ko tuloy ang ating dakilang bayani na si Dr. Jose Rizal, at tandang-tanda ko pa noong nag-aaral pa ako sa sekondarya, laging sinasabi na “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa ang lasa sa mabaho at malansang isda”. Naaaliw ako at natatawa habang nagbabasa. Maganda ang pagkakahabi mo ng iyong pananagalog, Mapabanyaga man o mapatagalog na pagsusulat, kakikitaan ka ng talento sa larangan ng pagsusulat. Nawa ang pagpapala ng Panginoon ay mapasayo lagi. MABUHAY!!!

    1. Isang maalab na pagbati at pasasalamat po sa makabuluhang mensahe na iniwan nyo :-). Ngunit sa totoo lamang po aking napagtanto na napakahirap palang humabi ng isang paksa na isusulat sa buong Pilipinong lengguwahe dahil may mga terminolohiya na mahirap isalin sa ating direktang wika. Kaya itong paksang ito ay naging isang malaking hamon para sa akin. Gayunpaman ako ay natutuwa na marunong palang managalog si “google”, hindi ko rin mabilang kung ilang beses ko syang kinonsulta 🙂 )

Leave a comment